Thursday 28 April 2011

Ngayon Ang Simula

Tinanong ako ng papa ko kung gusto ko daw lumipat ng registration para sa botohan next year. Nasa probinsiya daw kase ang “laban”. Naisip ko eto na naman tayo, sasabihin ko na naman na wala akong time pumunta sa probinsiya para lang magpa-rehistro at umuwi din agad pagkatapos. Ilang botohan na kong sinasabihan ng ganito, at ilang beses ko na din naibigay ang alibi ko. Pero mukhang hindi uubra ang palusot ko ngayon. Sabi kase sa akin, mag-download daw ako ng forms sa internet, fill-up-an ko, at dadalhin nila this weekend dahil uuwi daw sila doon.

Tsk tsk tsk… Malamang na magtatalo na naman kami bago dumating ang Sabado! Pero ewan ko ba, talaga lang may mga bagay na hinding-hindi mo mababago sa pag-iisip ko. Tulad ng hindi ko pagsunod sa uso; sa pakikipagdiskusyon sa kuya ko hanggang mauwi sa cold war na tumatagal ng buwan; sa hindi pagkain ng chocolate na may mani pero mani na may chocolate oo; sa pagpi-feeling gitarista o feeling-writer ko; sa hindi pagtatrabaho sa abroad kahit marami ang nagsasabing i-try ko, dahil sigurado ako sa sarili ko na yayaman ako kahit papaano kahit dito lang ako sa Pilipinas magtrabaho; tulad ng kagustuhan kong magpahaba ng buhok dahil pakiramdam ko mas mukhang bata ako, bukod pa sa mas lalo akong nagiging gwapo; ng pagiging paborito kong banda ang WUDS kahit ni isang beses hindi ko pa sila naririnig tumugtog ng live; sa pagbansag sa sarili ko na Pating kahit hindi ako marunong lumangoy; at eto nga, sa pag-iinsist na bumoto kung saan kami nakatira ngayon at hindi sa probinsiya. Kasama lahat ang mga katangiang ito na bumubuo sa sarili ko. At kung magpapaimpluwensiya ako sa ibang tao, sino na ko?

Masyadong malaking bagay kase ang gustong nyang ipagawa sa akin. Hindi na ito kasama sa responsibilidad ng anak sa ama, na kailangan sundin ng anak ang lahat ng sabihin ng kanyang magulang. Hindi na ako bata. Dati, hindi ko din masyadong pinag-iisipan ang mga bagay-bagay tungkol sa pagboto. Pero isa ito sa basic rights ng isang tao. Kung ipamimigay mo lang, sayang. Kokonti na nga lang ang mga karapatan natin na hindi natatapakan. Parang ipinagbili ko na din ang boto ko kung ganon. Ang kaibahan nga lang, nabili ang boto ko ng hindi ako binayaran. Paano pa ako makakapagreklamo kapag may nakita akong hindi magandang nangyayari sa lugar namin, eh hindi naman ako dito bumoto? Kasalanan ko pa ngayon kung papayag ako sa ipinagagawa sa akin. Kasalanan nga, sa sarili ko.

Kaya simula ngayon…

Wednesday, Oct 28, 2009

No comments: