Thursday 28 April 2011

Takbuhan Na!

May narinig akong kwento. Yung anak daw nung isang taga kanila, namatay. Parang ganito ang nangyari. Galing daw sa outing yung magbabarkada. Pauwi na sila. Tapos ihing-ihi na yung isa. So pagdating sa bahay, nagmamadaling bumaba para umihi. Sa tabi na ng garahe dyuminggel para makaraos agad. Eh kaso yung isang barkada daw, pinakialaman yung kotse. Siguro pinaandar. Ayun, nasagasaan yung nagwiwiwi, nadaganan. Nung nakita ng mga kabarkada ang nangyari, nagtakbuhan lahat! Kapitbahay pa daw ang nagdala sa ospital kaso nga hindi na rin umabot.

Naalala ko tuloy ng mga bata pa kami. Madalas kaming nakatambay sa likod-bahay namin non. Marami pa kaming puno dati. At may kanya kanya kaming pwesto doon sa puno. Kaso isang araw habang umaakyat kami, nahulog yung isang kaibigan ko. Ewan ko ba pero siguro dahil sa sobrang bata pa naman kami non at dala na rin ng takot na mapagalitan, ang nasabi ko na lang, “Takbuhan na!”. Sagot pa ng isa kong kaibigan, “Takbuhan na rin!”.

Actually, pag binabalikan namin itong istoryang ito, nagkakatawanan kaming lahat. siyempre, memories ng childhood namin yun eh. Saka nakakatawa kase wala naman talagang gaanong masamang nangyari sa kaibigan kong nahulog, maliban sa bukol nya. Hindi mo siya mako-consider na accident. Ang iniisip nga nya ng mga panahong iyon, baka daw makita yung bukol nya kase kinukutuhan daw siya ng mommy nya pag hapon. At pag nakita yon, siguradong buntal na naman ang aabutin nya. Yung buntal ang worry nya hindi yung bukol.

Ang nakakalungkot lang pag naaalala ko yung istoryang yun eh, paano kaya kung malagay ulit ako sa ganoong pangyayari na may nahulog, at hindi lang basta bukol ang inabot? O isang kaibigan ko din ang nasagasaan at ako ang kasama nya ng mga panahong iyon? Pareho pa din kaya ang reaction ko? “Takbuhan na!” ba ulit, o tatakbo ako para humingi ng tulong, o ako na mismo ang magtatakbo sa kanya sa ospital?

June 16, 2008

No comments: